Sunday, August 21, 2011

Unang Hagulgol

Nagulat ako ng biglang tumunog ang celfone na nakalagay sa mesa.
Naghahapunan kami nina Gani, Chona at kasama si Tino.
Magkakasama pa kami noon sa iisang bahay sa Julan.
Simula ng lumipat ako ng Ras Al Khaimah mula sa Dubai, sa kanila na ako tumira.
Napakasaya ng mga araw naming noon, parang araw-araw fiesta sa bahay.
Walang problema, kwentuhan at tawanan gabi-gabi.

Hindi nakaregistered ang numerong tumatawag kaya sinagot ko ito.
“Hello?” bungad ko.
“Hello? Nash?” sambit sa kabilang telepono.
Nagulat ako at biglang kinabahan. Iilang tao lamang ang tumatawag sa akin ng ganung pangalan.
Alam kong si Sam ang tumatawag pero nagkunwari parin akong hindi ko kilala.
“Im sorry? Do I know you?” pagkukunwari ko.
“So, it’s easy for you to forget me huh!, this is Sam, and I’m here in Dubai.”
Nakatingin ang mga kaibigan ko sa akin, nakatitig na parang inaalam kung sino ang kausap ko.
“Of course, I won’t forget you Sam.”
“How long you’ve been there in Dubai? You didn’t even tell me you have arrived.”
“I just arrive today.” Sambit ni Sam, malungkot ang boses niya, parang ang bigat ng dinadala sa dibdib.
“I just arrived today, and I am here in the custody of Dubai immigration.”
“and a few more minutes I will be sent  to Dubai police station for interrogation.” patuloy niya.

Nagulantang ako sa narinig, napanganga, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko.
Alam ko na kung ano ang nasa isip ko, ako ang nag-udyok kay Sam para umuwi ng India.
Habang maaga pa’y maiwasan niyang mahuli at ipakulong ng mga pinakakautangan niyang credit cards sa iba’t ibang banko sa Dubai.

Labin-tatlo ang hawak na credit cards ni Sam, lahat iyon ay zero available balances, binabayaran niya nalang mula sa kinikita niyang computer shop sa bur dubai.
Pero katagalan, humihina ang computer shop at wala ng pumapasok na pera kaya hindi niya na nababayaran ang mga utang, isama pa ang personal loans at iba pang pagkakautang sa ibang shops.

Ipinaliwanag niya sa akin kung ano ang nangyari. Hindi naman pala mga bangko ang nanggipit sa kanya kundi ang isang computer shop na pinakakautangan niya ng 10,000 dirhams.

Gumagaralgal na ang boses ko habang nagpapaliwanag din sa kanya.
“Did I ever tell you, you shouldn’t come back in dubai unless all your debts will be settled?”
“You know you will be put into jail once you arrived in Dubai because of your indebtedness?” naluluha na ako habang kausap ko siya.
“I know… and I know what will be the consequences for taking the risk of coming back.”
“I just don’t want to loss you, Nash!” You know how much I loved you, and you know how much I care about you.” Mangiyak-ngiyak na banggit ni Sam.


Doon na ako nagsimulang umiyak, hindi ko na nakayanan ang sarili ko, umatungal na ako at sinabi ko nalang na tatawagan ko nalang siya ulit.

Nagulat din sila sa bigla kong pag-iyak.
Inabutan ako ni Gani ng tissue, hindi ko na mapigilan ang pagdaloy ng mga luha at pagtulo ng sipon.
Lumalabo ang paningin ko dahil sa sobrang dami ng luhang lumalabas sa aking mga mata.
Umiiyak ako na para bang ang laki ng kasalanang nagawa ko na hindi kailanman mapapatawad.

Hindi matanggap ni Sam na hinihiwalayan ko na siya.
Marami akong dahilan pero napakababaw  para iwanan ko siya.
Napapagod na ako sa sitwasyon namin.
Sa Dubai palang, nahihirapan na ako.
Hindi sa relasyon namin kundi sa sitwasyon naming dalawa.
Hirap na hirap na si Sam sa kalagayan niya, hindi na niya kayang patakbuhin ang negosyo niya, wala ng kita at wala ng umaakyat na pera, baon pa siya sa utang.

Ang buwanang renta ng studio flat nila ay ang kapatid niya ang nagbabayad.
Natatakot din ako na baka isang araw, habulin siya ng bangko, at ipakulong dahil ilang buwan na siyang default sa pagbabayad ng minimum charges sa labin-tatlo niyang credit cards.

Ito ang pangalawa kong iyak na hindi mapapantayan simula ng dumating ako sa UAE.
Una ay noong nasa dubai pa ako at nagtatrabaho sa isang real estate company.
Dahil sa inako ko ang kasalanan ng iba kaya ako ang naghirap.

Minahal ko si Sam, sobrang bait niya at malaki narin ang naitulong niya sa akin.
Naisip ko na baka isa rin akong pabigat sa kanya kaya naisipan kong kumalas sa kanya.
Pero taliwas sa dahilan ko, sinabi niyang ginagawa ko lamang iyon dahil sa maganda na ang buhay ko dito sa RAK.

Dahil maganda ang napasukan kong trabaho at triple ang sahod ko kumpara sa sinasahod ko sa Dubai.
Inisip niya na kaya ako nakikipaghiwalay dahil takot akong humingi siya sa akin ng tulong. Pero sabi pa niya, kahit maghirap man siya, hinding hindi siya magiging pabigat sa akin.
Mamahalin niya ako ng walang kapantay.

Ang hindi niya alam, nakikipaghiwalay ako sa kanya dahil nakita ko na ang taong mas higit ang pagmamahal na iniaalay sa akin.

Araw-araw kong tinatawagan si Sam at ang kapatid niyang si Aby.
At parang binuhusan pa ako ng malamig na tubig ng tumawag sa akin sa telepono ang tatay ni Sam mula pa sa India.
Umiiyak at nakikiusap na huwag ko raw pababayaan si Sam.
Mas lalo akong nakunsensiya sa ginawa ko kay Sam. Bigla kong naisip, paano kaya kung sa akin nangyari yon?
Tatawag rin ba ang tatay ko para humingi ng tulong sa kung kanino man?
Kahit hindi pa kami nagkikita ng tatay ni Sam, alam kong napakabait na tao niya.

Sa tulong ng mga kakilala ng tatay ni Sam sa Dubai, nakahiram sila ng pera para ipambayad sa shop na nagreklamo sa police.
Tatlong araw ding namalagi si Sam sa kulungan ng immigration.

Pinuntahan niya ako sa rak, pilit na inaayos ang lahat, pilit na ibinabalik ang dati kong pagmamahal sa kanya.
Ilang beses kong sinabi sa kanya na meron na akong ibang mahal. Mas higit na pagmamahal ang nadarama ko sa kanya kesa sa kanya.

Ilang beses na bumalik si Sam para makipag-usap sa akin, pero naging buo na ang desisyon ko.
Isang araw hindi ako nakipagkita sa kanya, inabot siya ng gabi sa bahay.
Hindi ako umuwi at hindi nakipag-usap sa kanya.
Iyon nap ala ang hudyat na hindi ko na makikita ang makakausap si Sam sa loob ng dalawang taon.

Naging madamot ako kay Sam, naging ganid sa pag-ibig, naging kaaway, at naging kasuklam-suklam

Nagkamali ako ng desisyon ko, ang mahalin ang taong hindi rin pala magiging akin habambuhay.
Mas lalong naging masalimuot ang buhay ko ng maging kami ni Utog.
Kahit hindi man sabihin ng mga kasambahay ko’t kaibigan na ayaw nila kay Utog, nararamdaman kong walang puwang sa bahay at hinding hindi nila matatanggap si Utog.

Minahal ako minsan ng taong pinilit kong kitilin ang nararamdaman ko para sa kanya dahil sa isang taong hindi ko akalaing magbibigay ng pighati sa buhay ko,  na sisira sa tiwala ng mga kaibigang matagal ko ng kasama, at magiging sanhi ng pagguho ng mga pangarap ko.

Pero sa kabila ng lahat, pinilit ko paring maging masaya sa kanya, sa piling niya.

No comments:

Post a Comment