Monday, August 15, 2011

Heart Attack

"Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa. Ang buhay mong sa lupa nagmula"

Ito ang pinasikat na awitin ngayon ni Erik Santos na pinamagatang LUPA.
Dahil sa mundong ibabaw, hindi natin alam kung kailan at saan at paano tayo maglalaho sa mundo.
Tulad nalang kanina, pagkapasok ko sa opisina, facebook kaagad ang binuksan ko.

Umaalikabok ng posts ng condolences ang nabasa ko.
Noong una, hindi ko kilala kung sino ang namatay.
Pero nalaman ko rin na isa rin lang palang kapamilya dito sa desyerto ng makipag-usap sa akin si Farrah.

Si Kuya Leo, pumanaw na, dahil sa heart attack.
Ikinawendang ng diwa ko ang aking nalaman.
Lalo pa't abnormal ang blood pressure ni Uragon, biglang tataas, at bigla ring bababa.
Naisip ko, natigil narin pala ako sa ginagawa kong pagjo-jogging gabi-gabi.

Nang magsimula ang ramadan, bigla akong tinamad.
Pagkagaling sa opisina, uuwi ng bahay, matutulog, at pagkagising ng gabi, kakain nman at manonood ng TFC.
Tuwing ramadan, mas mahaba ang oras ng pahinga, dahil alas tres palang ng hapon, uwian na.
Ikinuwento ni Farrah, kung ano ang nangyari kay Kuya Leo.

Mahirap talaga kapag meron kang HB, hindi mo alam kung kelan aatake.
Naisugod pa sa hospital kagabi si Kuya.
Ngunit kaninang madaling araw, binawian na ng buhay.

Kaya naisip ko, kahit anong ingat pa natin sa sarili, kung itinadhana na ng aklat ng Diyos ang hangganan ng tao sa lupa, hindi mo na ito mababawi pa.
Hindi ito katulad ng computer, na pwedeng i-edit.
Pero sa aklat ng Bathala, kung ano na ang nakasulat, hindi mo na mabubura pa.

Ngayon, naisip ko, kelangan ko na namang alagaang ang katawang lupa ko.
Mag-ingat para maiwasan ang sakit.
At mag-ingat narin sa mga bagay at taong nakapaligid sa akin.
Dahil hindi ko alam, kung ano talaga ang magiging sanhi ng aking kamatayan.




 

No comments:

Post a Comment